Maaari pang humabol ang mga bakasyunista at turista na nagbabalak magtungo sa mala-paraisong isla ng Boracay na minsan na ring tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na Cesspool o malawak na pozonegro.
Ito’y ayon sa Malakaniyang ay dahil sa mananatili pang bukas ang naturang isla nagyong panahon ng tag-init sa harap na rin ng rekumendasyon ng Joint Task Force Bora na isara pansamantala ang naturang isla para isailalim sa rehabilitasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malaya pa aniyang makaliligo sa tubig ng Boracay ang mga turista ngayong summer season dahil malabong maipasara ito sa panahon kung kailan dagsa ang mga bakasyunista.
Una rito, umapela ang mga Boracaynon o residente ng isla kay Pangulong Duterte na muling ikonsidera ang anito’y full closure sa Boracay sa halip ay gawin na lamang ito na partial closure.
Sa kasalukuyan ayon kay Roque, wala pang pinal na pasya ang Pangulo hinggil sa usapin kung tatanggapin o hindi ang rekumendasyon ng pagpapasara sa isla gayundin kung gaano ito katagal na isasara sa publiko.