MAHIGIT 70 araw na lamang bago ang halalan sa Mayo 9, 2022, napansin ng Publicus Asia ang halos hindi pag-galaw ng mga numero sa mga voters preference survey para sa mga tatakbong presidente at bise presidente, kumpara sa mga survey na ginawa nitong Disyembre.
Napanatili ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang malaking lamang na 52 porsyentong voters preference na aabot sa 30 porsyento ang kalamangan sa katunggali na si Leni Robredo.
Habang ang running-mate ni Marcos na si Inday Sara Duterte ay nakakuha naman ng 54 porsyento at lamang ng 40 porsyento kay Sen. Francis Pangilinan, sa karera sa pagka-bise presidente.
Isinagawa ng Publicus Asia ang survey sa 1,500 rehistradong botante gamit ang purposive sampling method kung saan pinili ang mga respondent sa 200,000 Filipino na kabilang sa research pool ng Purespectrum, isang tanggapan sa Singapore na US-based market research at insights platform.
Bukod sa Publicus, napanatili rin ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang malaking lamang, sa numero nilang halos lahat ay mahigit 50 porsyento sa iba pang mga rerspetadong survey sa bansa.
Sa Pulse Asia survey nitong Enero, mula 53 porsyento nitong nakaraang buwan, umabot na ang kanyang bilang sa 60 porsyento habang si Duterte naman ay nakakuha ng 50 porsyento.
Sa Laylo Research naman, nakakuha si Marcos ng 64 porsyento habang 60 porsyento naman si Duterte.
Sa pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey naman, si Marcos ang pinili ng 50 porsyento habang nakakuha si Duterte ng 44 porsyento.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Publicus Asia Executive Director Aureli Sinsuat, na ang halos hindi pag-galaw ng mga numero sa survey ay tila may ibig sabihin.
“Para sa akin ang ibig sabihin noon medyo firm na ang boto ng mga tao. Ang ibig sabihin noon, at this point, nakapili na sila ng kandidato na gusto nila, baka mahirap ng baguhin ‘yun,” ani Sinsuat kasabay ng pahayag na malaking bentahe ito sa mga nangungunang kandidato sa survey.
Pero agad niyang nilinaw na hindi dapat magpakampante ang mga kandidato dahil malayo pa ang eleksyon.
“Hindi naman po natin masasabi na tapos na ang kampanya. Mahabang-mahaba pa po ang kampanya, may dalawang buwan pa tayo at marami pang pwedeng mangyari. Pero ngayon sa lahat ng naganap Itong last two months wala pang movement. BBM-Sara pa rin ang nangunguna,” dagdag niya.
Sinabi rin ng Publicus na halos hindi naapektuhan ang bilang ni Marcos kahit hindi siya dumalo sa ilang mga presidential forum.
“Wala pong masyadong movement sa mga numbers niya (Marcos) kahit hindi siya umattend sa mga nakaraang debate na pasok sa survey period namin,” sinabi ni Sinsuat.
Sa naturan ding panayam sa radyo, sinabi naman ni Atty. Ed Chico, political analyst, na tila hindi nakabawas o nakaapekto ang hindi pagdalo ni Marcos sa mga debate.
Ibinigay halimbawa pa nito si dating presidential candidate Noynoy Aquino na nanalong pangulo sa halalan noong 2010, ay Ilang ulit ring tumanggi sa pagdalo sa ilang presidential debate.
“When the campaign period started, nag-desisyon siyang hindi na dumalo sa mga debate even the ABS-CBN sponsored which at that time was the biggest debate. So nakita po natin na ‘yung debate ay hindi talaga nagiging bentahe sa voters preference,” ani Chico.
Iginiit pa ni Chico na tila napaganda pa ang desisyon ng kampo ni Marcos na huwag dumalo sa ilang forum.
“Debate hindi talaga kailangan ‘yan ng nangunguna, dahil mas kailangan ‘yan ng mga tao na walang makinarya o nanliligaw pa ng boto. Merong kadalihanan na kapag number one ka sa survey ay ‘wag ka nang dumalo ng debate kasi ang focus ng atensyon ay nasa iyo. It’s a better strategy na ma-protektahan mo ang number mo,” anang analyst.