Nagbukas eksakto alas-7:00 kaninang umaga ang mga presinto kaugnay sa idinadaos na barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong araw na ito.
Bago pa man mag-alas-7:00 maraming botante na ang nakapila para makaboto ng maaga.
Ang COMELEC Command Center sa Palacio del Gobernador sa Maynila ang magsisilbing coordinating center para sa lahat ng ahensya ng gobyerno at regional offices bukod pa tatanggap ng mga report, kuwestyon at reklamo mula sa publiko ang 8888 Hotline.
Nananatili namang on high alert ang Philippine National Police o PNP at Armed Forces of the Philippines o AFP partikular sa mga hotspots bagamat wala namang seryosong banta sa pagdaraos ng eleksyon ngayong araw na ito.
Sa press conference kaninang alas-9:00 ng umaga, sinabi ni Commission on Elections Spokesperson James Jimenez, wala pa silang natatatanggap na ulat ng malalaking aberya sa kabila ng ilang mga delay sa pagbubukas ng mga presinto.
Bukod pa aniya sa mga ulat ng vote buying sa ilang mga presinto.
Samantala tiniyak din ni Jimenez na naging maayos ang pagsisimula ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM malaiban na lamang sa tatlong barangay na hindi nakapagbukas ng presinto dahil sa problema sa komunikasyon.
‘Mainit na panahon’
Mainit at maalinsangang panahon ang sumalubong sa mga botante sa barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong araw na ito.
Ayon sa PAGASA, nakakaapekto ang ridge of high pressure area o HPA sa dulong bahagi ng Hilagang Luzon habang umiiral naman ang easterlies sa nalalabing bahagi ng bansa.
Ang mga naturang weather systems ay magdudulot ng maalinsangang panahon maliban sa mga pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.
Inaasahang pinakamainit na temperaturang mararanasan ngayong araw na ito sa Tuguegarao City sa 37 degrees Celsius.
—-