Bahagyang naantala ang botohan sa Malate, Maynila makaraang sumiklab ang sunog kahapon.
Nagsimulang kumalat ang apoy sa Room 234 ng Aurora Elementary School sa San Andres Street, dakong alas-9:30 ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, faulty wiring ang sanhi ng sunog na tumagal lamang ng sampung minuto.
Nasa kasagsagan ng pagboto ang mga tao sa naturang paaralan nang matupok ang kwarto kaya’t agad inilabas ang mga vote counting machine sa gusali at nagsilikas ang mga botante.
Nagpatuloy ang botohan pero sa ibang polling precinct na ito isinagawa.
Wala namang nasaktan at wala ring nasirang mga makina sa nasabing sunog.