Tutol ang karamihan sa mga botante ng Lanao Del Norte na mapabilang ang anim na bayan sa kanilang lalawigan sa itatatag na BARMM o Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindano.
Ito’y makaraang manaig ang botong “no” sa 13 bayan sa lalawigan at nasa siyam na bayan lamang ang pumanig sa botong “yes”.
Nasa 69 na porsyento naman ng mga rehistradong botante ang nakiisa sa botohan noong Miyerkules.
Samantala, nakiusap si Lanao Del Norte Governor Imelda Dimaporo sa mga taga-suporta ng BOL o Bangsamoro Organic Law na maging mahinahon at respetuhin na lamang ang naging resulta ng botohan.
Ang naturang canvassing ay para sa anim na bayan sa lalawigan na nagpetisyon na mapabilang sa BARMM ngunit kailangan muna ng pahintulot mula sa buong lalawigan.
Maliban sa anim na bayan sa Lanao Del Norte, nagbotohan din sa ilang bayan ng North Cotabato para pagpasyahan kung isasama sa BARMM ang 67 barangay na sakop nito.