Tatamaan si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sakaling magdeklarang tumakbo bilang Presidente si Davao City Mayor Rudy Duterte.
Ayon kay Professor Prospero de Vera, isang political analyst, kung ibabase sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey, makikitang napakalaki pa ng tiyansa ni Duterte na lumakas sa Visayas at agawin ang mga botong para kay Roxas.
Sa ngayon aniya ay malakas na si Duterte sa Mindanao na dati ay itinuturing na balwarte ni Vice President Jejomar Binay samantalang nakakuha na rin siya ng boto sa National Capital Region na balwarte naman ni Senador Grace Poe.
“I think yung Mindanao niya possibly both levels are already high for him, Visayas if I’m not mistaken single digit pa siya malaki ang potential for growth diyan, if he gets stronger in Visayas ang mapipilay diyan ay si Mar Roxas kasi si Mar Roxas ang strongest sa Visayas region.” Ani De Vera.
Samantala, maituturing namang hindi nagbago ang estado nina Senador Grace Poe at Vice President Jejomar Binay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Bagamat sinasabing bumaba ng puntos si Poe na mayroong 26 percent sa Pulse Asia survey at Binay na may 19 percent, pasok pa rin naman ito sa margin of error ng survey.
Ayon kay de Vera, sa ngayon, hindi pa puedeng ibilang na boto para sa kandidato ang mga nakukuhang puntos sa surveys tulad ng kay Roxas na umangat sa ikalawang puwesto.
Nangangahulugan lamang aniya ito na marami na ang nakakaalam na tatakbo si Roxas sa pagka-Pangulo dahil sa napakarami niyang television ads.
“Ang noteworthy sa survey eh si Mayor Duterte ay malakas kahit na hindi siya declared, bagamat nagsasabi siya na hindi siya tatakbo eh malakas ang kanyang survey result.” Pahayag ni De Vera.
Lumilinaw na din aniya sa mga botante kung sino-sino ang maglalaban laban sa 2016 elections.
Ayon kay Professor Prospero de Vera, ito ang indikasyon ng pag-angat ng ratings ni dating DILG Secretary Mar Roxas sa mga surveys.
Kung mapapansin aniya, nagbagsakan na sa survey sina Senador Miriam Santiago, Mayor Joseph Estrada at iba pa na dati ay pinalulutang na tatakbo sa 2016 Presidential elections.
Sinabi ni de Vera na ngayon pa lamang magsisimula ang tunay na labanan ng mga kandidato kung paano gagawing aktual na boto ang nakukuhang ratings sa mga surveys.
“Ang sukatan na niyan is really how do you translate this level of support into significant block of vote as you move forward, ‘yan na ang labanan kasi hindi lang saturation ng media ads ‘yan kailangang magsimula ka nang maki-negotiate sa local candidates, kailangan ka nang umikot, kailangan ka nang mag-create ng alliances across different geographic areas.” Paliwanag ni de Vera.
By Len Aguirre | Ratsada Balita