Minaliit ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang desisyon ng Senado na huwag dumalo sa ipinatawag nilang Constituent Assembly para amyendahan ang konstitusyon.
Ipinahiwatig ni Alvarez na kaya nilang amyendahan ang konstitusyon kahit hindi makisama ang Senado.
Tuloy-tuloy aniya ang trabaho nila sa Mababang Kapulungan dahil kaya nilang makabuo ng sapat na bilang para pagbotohan ang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Sa ilalim ng konstitusyon, kailangan ng boto ng three fourths (3/4) ng lahat ng miyembro ng buong Kongreso para pumasa ang pag-amyenda sa konstitusyon.
Ayon kay Alvarez, igagalang nila kung sakaling magkaroon ng sariling Con-Ass ang Senado at ipinauubaya na nila sa Supreme Court ang desisyon kung tama o mali ang kanilang sinunod na proseso.
‘Joint Con-Ass’
Naniniwala naman ang Chairman ng House Committee on Constitutional Amendments na bibigay rin ang Senado sa panukala nilang buuin ang dalawang kapulungan bilang Constituent Assembly para magpanukala ng mga amyenda sa konstitusyon.
Binigyang diin ni Congressman Roger Mercado na maganda ang intensyon at malinis ang konsensya ng mga kongresista sa pagmumungkahi ng mga amyenda sa konstitusyon.
Wala anyang rason para hindi hindi magkaisa ang Senado at Kamara dahil sa ilalim naman ng kanilang panukala, mananatili ang bicameral legislative assembly at mananatili ang 24 na senador kasama ang tatlo pang regional senators.
Una rito, nagkasundo ang mga senador na magsagawa ng Constituent Assembly na hiwalay sa Kamara.
‘Check and balance’
Idinepensa naman ng Senado ang desisyon nilang patalsikin ang sinumang senador na dadalo sa ipinatawag na Constituent Assembly o Con-Ass ng House of Representatives.
Ayon kay Senador JV Ejercito, kahit isa o dalawang senador lamang ang dumalo sa Con-Ass ay maaari na itong ituring na kinatawan ng Senado.
Sigurado aniyang mawawalan ng balanse ang botohan dahil alam naman ng lahat na iisa ang direksyon ng mahigit sa dalawandaang (200) kongresista kapag bumoto at ito ay napatunayan na nila sa bicameral conference committee ng Tax Reform and Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
“Kahit dalawang senador lang, halimbawa yung presiding officer tapos isang miyembro lang baka lumabas eh na andun ang Senado, rason po ito hindi dahil nagmamalaki kami dahil Senado kami pero the principle of check and balance, very evident noong nakaraang TRAIN deliberation, just imagine kung wala ang Senado, kung naipasa ang original version ng TRAIN, naku Diyos ko napakataas po.” Pahayag ni Ejercito
—Judith Larino / Ratsada Balita Interview