Pormal na humiling ng pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP).
Ito’y kaugnay ng mga naging pahayag ng Pangulo hinggil sa pakikipaghiwalay ng Pilipinas sa bansang Amerika.
Ayon sa ulat, nangangamba ang Business Process Outsourcing (BPO) industry sa mga naging pahayag ng Pangulo dahil 80 porsyento sa mga kliyente ng mga BPO ay US accounts mula pa noong 2014.
Umabot na rin sa $22 billion dollars ang revenue ng BPO industry mula 2015 at na binubuo ng halos 1 milyong mga Pilipinong empleyado mula sa 900 mga kumpanya.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Sec. Ernesto Abella na ang naging pahayag ng Pangulong Duterte ay reiteration lamang ng kanyang independent foreign policy.
Malacañang
Bukas naman ang Malacañang sa pakikipag-usap sa mga kinatawan ng Business Process Outsourcing (BPO) industry na karamihan ay pag-aari ng mga kumpanyang naka-base sa Amerika.
Inamin ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa isang press briefing sa Malacañang na humiling ng pulong kay Pangulong Duterte ang mga BPO company sa bansa.
Ang kahilingan ng pakikipagpulong sa Pangulo ng mga BPO groups ay bunsod ng mga naging pahayag nito sa trade and investment forum sa Beijing, China.
Tiniyak naman ni Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia ang BPO industry na hindi sila maaapektuhan ng mga naging pahayag ng Pangulong Duterte.
By Mariboy Ysibido