Inaasahan na sa susunod na taon ang initial delivery ng BrahMos Missile System sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni Indian Ambassador to the Philippines Shambhu Kumaran matapos tanungin ng ilang mamamahayag sa 75th Independence Day Celebration ng India sa Taguig City, noong Lunes.
Ayon kay Kumaran, bagaman walang partikular na petsa kung kailan darating ang mga missile, maayos naman ang proseso sa pag-acquire ng mga nasabing armas.
Enero a – 28 nang lumagda ang Department of National Defense ng kontrata sa pagbili ng Indian-Made Brahmos Medium-Range Ramjet Supersonic Cruise Missiles na nagkakahalaga ng P18.9 billion.
Sa ilalim ng kontrata, makakukuha ang Pilipinas ng tatlong missile batteries, na binubuo ng mobile autonomous launchers at tracking systems.
Maaaring paliparin ang naturang cruise missile mula sa mga warship, fighter jet, submarine at land-based defense equipment.
Pwede ring kargahan ng warheads ang BrahMos at may kakayahang tamaan ang target sa layong 300 kilometers.