Dinurog ni Filipino-American Mixed Martial Artist Brandon Vera ang japanese challenger na si Sekine Hideki sa kanilang bakbakan sa ‘One: Age of Domination’ sa Mall of Asia Arena, kagabi.
Tinapos ng one heavyweight champion ang laban sa unang round lamang ng kanilang championship fight at sinikwat ang technical knockout o TKO victory.
Dahil sa panalo, umakyat ang rekord ni Vera sa 15 wins, 7 losses at 1 draw habang nakalasap si Hideki ng kanyang unang talo sa walong laban.
Matatandaang nasungkit ni Vera ang bakanteng titulo noong December 2015 matapos i-knockout si Paul Cheng ng Taiwan sa kanilang bakbakan na umabot lamang ng 26 seconds.
Sa co-main event, nadepensahan naman ni Bantamweight Division King Bibiano Fernandes ang kanyang korona nang masungkit ang split-decision victory laban sa challenger na si Reece Mclaren.
Panalo naman ang isa pang Filipino MMA Fighter na si Edward Kelly laban kay Sunoto Peringkat sa pamamagitan ng TKO habang pinasuko ni Honorio Banario ang katunggali na si Rajinder Singh Meena.
By Jelbert Perdez