Nasungkit ni Filipino-American MMA Fighter Brandon Vera ang kanyang kauna-unahang korona sa heavyweight world championship.
Ito’y matapos ma-knockout si Taiwanese-Canadian Paul Cheng sa loob lamang ng 26 na segundo sa main event ng “spirit of champions” fight card sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Unang binira ng sipa sa katawan ni Vera si Cheng saka sinundan ng malutong na atake sa ulo na siyang nagpayanig dito.
Subalit lumusob pa rin si Cheng kahit na halatang nasaktan ito sa sipa ni Vera kaya’t nag-counter ang Fil-Am fighter ng kaliwang sapak at kasunod nito ay ang malakas na sipa sa panga dahilan upang bumagsak ito.
Dahil sa panalo ay umakyat na ang professional record ni Vera sa 14 wins at 7 loses kung saan itinanghal ito bilang pangalawang Pinoy na nakahablot ng world title sa malaking mixed martial arts event sa Asya.
Agad namang nagpasalamat sa Filipino fans si Vera at binati pa niya ang mga ito ng “Maligayang Pasko.”
By Jelbert Perdez