Sawa ka na ba sa mga classic flavors ng ice cream na mango, cheese, vanilla, o chocolate? Kung ganon, magkakainteres ka ba sa ilalabas ng isang brand mula sa U.S. na breast milk-flavored ice cream?
Kung ano ang kwento sa likod ng unusual flavor na ito, alamin.
Tatlong araw bago mag-April fools ngayong taon nang maglabas ng pasilip ang U.S. based baby brand na Frida ng kanilang bagong produkto na breast milk ice cream.
Kilala ang brand na ito sa kanilang mga baby must have products na malaki ang naitutulong sa mga magulang dahil napapadali nito ang pag-aalaga sa babies.
Pero nitong March 27 ay nag-post ang Frida sa kanilang social media account na may caption na, “Due in 9 months. Baby and postpartum products were just the appetizer. Now it’s time for dessert.”
Sa mahigit 200 comments sa video, ilan sa mga ito ay ang pag-aakala ng mga commentator na ang nasabing post ng Frida ay masyadong maaga para sa April fools day. Pero surprisingly, marami rin ang nagpahayag ng kanilang excitement at nagsabi na aabangan daw nila ang paglabas ng bagong produkto.
Sinabi sa video na ang dahilan kung bakit naisipan ng Frida na maglabas ng ganitong uri ng produkto ay dahil sa obsession nila na magpakain ng mga babies at habang dinedevelop ang isa pa nilang bagong produkto na breast pump, at higit sa lahat ay ang curiousity ng mga tao sa kung ano nga ba ang lasa ng breast milk.
Pero ang Frida ice cream ay hindi gawa sa tunay na breast milk dahil ipinagbabawal ito ng mga food regulator sa U.S., sa halip, ginamitan ito ng mga ingredients na maihahalintulad sa gatas ng ina katulad ng omega-3 na pampatalino, lactose for energy boost, protein, vitamins, at minerals.
Para masagot na ang curiosity ng mga tao, finormulize rin ang ice cream na ito para maging kasing-lasa ng tunay na breast milk.
Samantala, kahit na pumutok na ang balita sa mga netizen at siyam na buwan pa ang hihintayin bago lumabas ang breast milk ice cream na ito, maaari na raw mag pre-order ang mga interesado na sumubok ng bago.
Ikaw, susubukan mo ba ang flavor na ito kung magkakaroon ka ng pagkakataon?