Simula na ngayong araw ang election period na may kaugnayan sa halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan.
Ayon sa Commission on Elections o Comelec, ngayong araw ay magsisimula na silang tumanggap ng certificate of candidacy mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko na tatagal hanggang Abril 20.
Kasabay nito, pinaalalahan ng Comelec ang publiko na epektibo na rin simula kaninang hatinggabi ang Comelec gun ban o ang pagbabawal sa pagdadala ng baril o anumang deadly weapon.
Para naman sa mahigpit na pagpapatupad nito, sinabi ni incoming PNP chief at NCRPO chief Oscar Albayalde na asahan na ang mga ilalatag na checkpoint ng PNP katuwang ang puwersa mula sa Armed Forces of the Philippines.
Kasabay nito nagpaalala naman si Albayalde sa mga motorista na magdahan-dahan at huminto sa mga checkpoint upang hindi maabala.
Comelec at PNP, naghahanda na para sa mga ilalatag na checkpoints
Naghahanda na ang Commission on Elections at Police Provincial Office para sa mga ilalatag nitong checkpoints sa Ilocos Norte kaugnay ng implementasyon ng election gun ban simula ngayong araw na ito.
Ito’y isasagawa bunsod ng idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan elections kung saan nagdeklara na rin ng red alert ang Philippine National Police.
Sinasabing target din ng PNP ang zero crime incident ngayong election period.
Nilinaw naman ni Atty. Alipio Castillo III, Provincial Election Supervisor ng Ilocos Norte, na hindi obligadong sumama ang mga taga-Comelec sa mga ilalagay na checkpoints sa iba’t ibang lugar sa probinsya.
Ayon naman kay Chief Inspector Angelito de Juan, Chief Investigator ng Provincial Police, ilalatag ang mga checkpoints sa mga lugar kung saan madalas may nagaganap na krimen.