Aprubado na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panibagong panukalang nagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Sa pagkakataong ito, iniatras ang nasabing halalan sa ikalawang Lunes ng Oktubre mula sa kasalukuyang petsa na Mayo 14.
Sa botong 14-2, inaprubahan ng naturang House Committee ang mosyon na nagpapaliban sa barangay at SK elections habang 17 miyembro kumite ang ang bumoto upang i-atras ang halalan sa ikalawang Lunes ng Oktubre.
Sakaling aprubahan at maisabatas ang nasabing panukala, ito ang magiging ikatlong beses na ipagpapaliban ang Barangay at SK Elections.
Ilang kongresista at barangay official, nagkainitan sa gitna ng panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections
Sumiklab ang tensyon sa pagitan ng ilang mambabatas at grupo ng mga barangay official sa gitna ng hearing ng house committee on suffrage and electoral reforms, kahapon.
Ito’y makaraang sumbatan ni ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio si Liga ng mga barangay sa Pilipinas President, Attorney Edmund Abesamis sa issue ng pagpapaliban muli ng barangay at Sangguniang Kabataan elections sa ikatlong pagkakataon.
Hindi napigilan ni Tinio na kuwestyunin ang layunin ng panibagong hirit na ipagpaliban ang nasabing halalan sa halip ay binatikos si Abesamis.
Dahil dito, tinangkang pigilan ni Committee Chairman Sherwin Tugna ang panunumbat ni Tinio subalit hindi ito nagpa-awat dahilan upang suspendihin ng ilang sandali ang pagdinig.
Samantala, tinangka namang komprontahin ni Liga ng mga Barangay Secretary-General Lorenzo Zuñiga si Tinio pero hinarang sila ng House Sergeant-at-Arms.