Laglag sa kamay ng mga operatiba ng Philippine National Police – Anti Kidnapping Group (PNP – AKG) ang 1 kapitan ng barangay sa isinagawang operasyon sa bayan ng Sumisip, lalawigan ng Basilan kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel Estomo ang suspek na si Jamiron Ajijon alyas Jamiron Amigos, kasalukuyang kapitan ng Brgy. Marang.
Naaresto si Ajijon ng pinagsanib na puwersa ng PNP-AKG, PNP-SAF gayundin ng lokal na pulisya sa mismong barangay hall sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong murder .
Si Ajijon Ay tinuturo ring leader umano ng city hunter group, isang gun for hire group na nag-o-operate sa Basilan at sinasabing malapit din kay Abu Sayyaf sub-leader Furuji Indama .
Maliban kay Ajijon, naaresto rin sa operasyon ang tanod nito na kinilalang si Bassel Ajijon Eting dahil sa pagbibitbit ng mataas na kalibre ng mga armas .
Nabatid na nasangkot din si ajijon sa pagdukot o kidnapping sa ilang indibiduwal sa lugar at pag -iingat ng samu’t saring armas na siyang nakuha mula sa kaniya .
Kasalukuyan nang nasa Camp Heneral Batalla sa Zamboanga ang mga suspek at isinailalim ang mga ito sa proper booking at desposition. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)