Pinasinungalingan ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang ulat ng University of the Philippines (UP) OCTA Research Group na ang Brgy. Fort Bonifacio ang nangunguna sa mga Baranggay sa bansa na may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID 19 sa bansa sa nakalipas na linggo.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod, aabot lamang sa 116 ang COVID cases na naitala sa nasabing Baranggay mula Marso a-18 hanggang 24 taliwas sa inilabas ng OCTA na 342 na mga kaso ang naitala ruon.
Bagama’t nangunguna ang Brgy. Fort Bonifacio sa mayruong pinakamaraming kaso ng COVID 19 sa Lungsod ng Taguig na nasa 1,581 kabuuang kaso, nasa 42 lamang dito ang aktibo o kasalukuyang ginagamot sa mga quarantine facility duon.
Nanindigan ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa accuracy ng kanilang mga datos gayundin ang integridad nito na lagi anilang nakikita ng publiko sa kanilang website maging sa mga social media platform.
Dahil dito, iginiit ng Taguig LGU na nananatili ang kanilang Lingsod sa may pinakamababang reproduction at fatality rate dahil mataas ang bilang ng mga naisasagawa nilang testing sa kanilang mga mamamayan.