Ayaw nang patulan ni House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali ang pinalulutang na akusasyon ni Atty. Larry Gadon, petitioner sa reklamong impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y pagbabayad ng isang oligarch sa mga senador para i-abswelto si Sereno sa impeachment complaints laban dito.
Ayon kay Umali, isa lamang itong klase ng kwentong kutsero at paninira sa Senado na tatayo bilang impeachment court.
Aniya pinagsabihan na nila si Gadon kaugnay sa usapin at hinimok itong respetuhin ang Senado.
“Puro kuwentong kutsero yata mahirap yan, at ako syempre nahihiya rin ako sa mga kapwa mambabatas natin sa Senado na binibigyan na naman natin sila ng kulay, na hindi naman dapat, again dapat nirerespeto ang prosesong ito at nirerespeto po gaya nang sa amin sa House of Representtaives siguro sisitahin din natin si Atty. Gadon sa mga bagay na yan.” Ani Umali.
Kasabay nito sinabi ni Umali na hindi na nila makakamit ang target nilang araw ng botohan para sa probable cause ng reklamo sa Disyembre 13.
“Dapat makabalik si Justice De Castro at iba pang miyembro ng Korte Suprema pero may en banc hearing din sila ngayon, inadjust po natin.” Pahayag ni Umali
(Balitang Todong Lakas Interview)