Ang pag-iisang dibdib ang pinakahihintay na okasyon ng dalawang taong nagmamahalan. Maigi itong pinaghahandaan at minsan pa ay ginagastusan ng ilang daang libo.
Ngunit imbes na maging masaya, naging luhaan ang bride na si Janine Seit Suelto-Sagario at ang kanyang groom na si Jove Deo Gracias Sagario sa kanilang wedding day na ginanap sa St. Andrew the Apostle Parish sa Amlan, Negros Oriental.
Habang naglalakad kasi patungong altar si Janine, sinimulan na ng pari ang misa.
Isa sa mga pinaka-inaabangan sa araw ng kasal ay ang paglalakad sa aisle. Itinuturing itong “grand reveal” ng bride at hudyat sa pagsisimula ng seremonya. Sa madaling salita, ito ang “moment” ng bride.
Sa kasamaang-palad, hindi ito naranasan ni Janine. Napahiya siya at nagmadali siyang maglakad. Muntik pa nga siyang madulas na napakadelikado dahil kasalukuyan siyang buntis.
Hindi pa rito nagwawakas ang kanilang masamang karanasan dahil habang nasa altar, nanermon pa umano ang pari at nagparinig na akala niya, nanganak na ang bride kaya hindi nakarating sa tamang oras.
At ilang sandali lamang matapos ang kasal, agad na nag-utos ang pari na magpasok ng isang kabaong sa simbahan dahil sunod na ito sa schedule.
Late na nakarating ang bride at groom at ang kanilang guests dahil isang gabi bago ang kasal, sinabihan sila ng kanilang ninang na inilipat ito sa 9:30 a.m. mula sa kanilang original schedule na 8 a.m.
Ngunit ayon sa simbahan, wala talagang nangyaring rescheduling. Gayunman, humingi na ng tawad ang pari at simbahan sa bagong kasal at sa kanilang mga pamilya.
Hindi pa naman huli para sa mag-asawa na maranasan ang kanilang dream wedding dahil nagkasundo na ang ilang suppliers na mag-organisa ng libreng kasal para sa dalawa sa June 17.