Hindi na natapos ng isang bride mula sa Uttar Pradesh, India ang kanyang sariling kasal matapos mawalan ng malay.
Sinubukang i-revive ng doktor si Surabhi, subalit huli na ang lahat dahil tuluyan na itong nawalan ng buhay dahil sa heart attack.
Ngunit sa halip na matigil ang seremonya, itinuloy pa rin nila ito—at sa pagkakataong ito, ang nakababatang kapatid ng biktima na ang nagpakasal sa naiwang groom!
Habang nakahimlay sa kabilang silid ang mga labi ng bride, idinaraos naman ang kasal ng kanyang kapatid at groom na si Manjesh.
Ayon sa tiyuhin ng magkapatid na si Ajab Singh, magkahalong emosyon ang naramdaman ng kanilang pamilya. Malungkot sila dahil sa biglaang pagpanaw ni Surabhi, ngunit masaya sila dahil natuloy pa rin ang kasal.
Laganap pa rin sa India ang arranged marriage o ang pagkakasundo ng dalawang pamilya na ikasal ang kanilang mga anak. Ito ang dahilan kung bakit hindi na nakatanggi ang nakababatang kapatid na humalili sa kanyang nasawing ate dahil ito ang obligasyon niya sa kanyang pamilya.