Kung ikaw ang tatanungin, ano ang mas gusto mo: pera o love life?
Ang bride na ito mula sa Bukidnon, hindi na kailangang pumili dahil panalo na nga siya sa pag-ibig, jackpot pa siya sa pera!
Niregaluhan kasi siya ng kanyang groom ng tumataginting na P1 million sa kanilang araw ng kasal.
Ayon sa host ng kasal at uploader ng video na si Lester Dave Verano, ipinaalam lang ng groom sa kanyang team ang surpresang ito sa araw mismo ng kasal.
Batay sa kaugalian, ang mga bisita ang nagsasabit ng pera sa bagong kasal, ngunit nais ng groom na magkaroon ng kakaibang twist.
Bigla niyang inilabas ang isang malaking maleta, at nang buksan ito, tumambad sa bride at mga bisita ang napakaraming P1,000 bills!
Inilatag ng groom ang pera at saka isinabit sa kanyang bride.
Ayon kay Verano, talagang nag-ipon ang groom upang makapagbigay ng hindi pangkaraniwang regalo.
Malaki man ang natanggap na halaga ng bride, hindi pa rin nito matutumbasan ang ibinibigay sa kanyang pagmamahal ng kanyang groom.