Para sa karamihan, ang kasal ay isang pangako na nagtatapos lamang kapag sumakabilang buhay ang iyong minamahal o sa madaling salita, “’Til death do us part.”
Ngunit ibahin mo ang bride at groom na ito mula sa Kuwait dahil mabilis na natuldukan ang kanilang commitment na magsama nang habambuhay. Sa katunayan, tumagal lamang ito ng tatlong minuto!
Batay sa ulat, katatapos lang ang kasal ng mag-asawa. Palabas na sila courthouse nang aksidenteng matapilok ang bride.
Bilang reaksyon dito, tinawag ng groom ang bride na “stupid”.
Uminit ang ulo ng babae sa narinig at bumalik sa loob ng korte upang hilingin sa judge na ipawalang-bisa ang kanilang kasal. Pumayag naman ang judge at agad na inaprubahan ang kanilang annulment.
Marami sa mga netizen ang suportado sa desisyon ng bride dahil anila, kung ganito na ang ugali ng lalaki sa una pa lamang, mas mabuti umanong iwan na ito nang maaga pa lamang.
Ayon pa sa ilang netizen, kung walang respeto ang lalaki sa simula pa lamang ay tiyak na hindi magiging maganda ang kanilang pagsasama sa hinaharap.
Nagsisilbing paalala ang kwentong ito na ang respeto ay isa mga sa pinakamahalagang pundasyon ng isang matagumpay na pagsasama. Sa kaso ng mag-asawang ito, mas pinili ng bride na ituwid agad ang sitwasyon sa halip na magtiis sa isang relasyon na walang respeto.