Nagsimula na ngayong araw ang taunang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 13.
Isang linggo tatagal ang nasabing programa kung saan, bubuhayin ang diwa ng bayanihan para linisin ang mga silid-aralan bago magsimula ang panibagong school year.
May temang “Tayo Para Sa Paaralang Ligtas, Maayos at Handa Mula Kinder hanggang Senior High School” isinasaad ang kahandaan ng DepEd para sa full implementation ng K to 12 program.
Ayon kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali, nasunod naman ang kanilang inilatag na timeline para sa nasabing programa.
Maliban sa pagtatayo ng may 23,000 silid-aralan para sa grade 11 sa buong bansa, tuluy-tuloy din aniya ang pagsasanay sa mga guro na inaasahang magtatapos ngayong araw.
Kasunod nito, sinabi ni Umali na kanila nang natukoy kung saan pansamantalang dadalhin ang mga mag-aaral habang hindi pa lubusang natatapos ang mga itinatayong silid-aralan.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: deped_ph