Nag-file ng panibagong petisyon sa Korte Suprema si dating National Treasurer Professor Leonor Briones kaugnay ng diumano’y patuloy na paglabag ng pamahalaan sa naging desisyon ng SC na labag sa Saligang Batas ang pork barrel.
Ayon kay Briones, may pork barrel pa rin sa 2015 national budget ng pamahalaan at labag ito sa Saligang Batas matapos na ideklarang labag sa konstitusyon ng Korte Suprema kabilang ang Disbursement Acceleration Program o DAP.
Nauna nang ibinunyag ni Senador Ping Lacson na napakalaki ang pondong ibinigay sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuang ni Secretary Mar Roxas at ng Office of the Vice President ni Jejomar Binay.
“Basta tapos na ang, naipasa na ang appropriations act halimbawa at tuloy pa rin ang pork barrel ay kailangang kasuhan, nandoon ‘yan sa desisyon, kaya ang ilang grupo dumideretso sila sa Ombudsman para i-complain ang ginagawa ng ating pamahalaan,” paliwanag ni Briones.
Samantala, sinabi ni Briones na hindi tamang makialam ang kongreso sa implementasyon ng mga proyekto base sa mga ipinasang batas.
Ito ay sa gitna na rin ng pagkakasangkot sa pork barrel fund scam ng ilang mambabatas bunsod ng pag-endorso ng mga proyekto ng gobyerno.
“Ang nangyayari ngayon dahil sa paggawa ng pork barrel at DAP, tapos na ang trabaho ng kongreso kasi may appropriations act na pero kung nakikielam pa rin sila, ibig sabihin ay hindi na nila sinusunod ang konstitusyon,” giit ni Briones.
By Mariboy Ysibido | Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit