Inaasahang darating na sa bansa sa susunod na buwan ang ikalawang missile-capable frigate ng Philippine Navy na BRP Antonio Luna.
Ayon kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, posibleng darating sa Pilipinas ang naturang barko sa ikalawa o ikatlong araw ng Pebrero.
Aniya, naantala ito dahil sa epekto ng pandemiya partikular na ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa South Korea kung saan ito nagmula.
Paliwanag ni Bacordo, naapektuhan ng sitwasyon ang workforce sa paglikha ng barko gayundin ang technical inspection bunsod naman ng naantalang pagdating ng acceptance committee sa South Korea.
Samantala, sinabi ni Captain Sergion Bartolome, frigate owner representative ng Philippine Navy, halos kumpleto na ang BRP Antonio Luna at nakapasa na rin sa harbor at sea trials.
Ang BRP Antonio Luna ang ikalawang missile capable frigate ng Pilipinas kasunod ng BRP Jose Rizal na bahagi ng hakbang para palakasin ang kapabilidad ng tropa ng Pilipinas sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa.