Nagsagawa ng maritime at sovereignty patrols ang BRP Antonio Luna, ang bagong missile guided frigate ng Philippine Navy sa bahagi ng Malampaya Gas field sa lalawigan ng Palawan.
Ito’y bilang bahagi ng pagsuporta ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa paggigiit ng pambansang interes at pagtupad sa kanilang mandato na pangalagaan ang mga teritoryo ng bansa.
Kasama sa pagpapatrulya ng BRP Antonio Luna si BGen. Robert Velasco, ang Commander ng Joint Task Force Malapaya ng AFP.
Ayon sa pamunuan ng BRP Antonio Luna, mahalaga ang misyon ng bagong barkong pandigima sa bahaging iyon ng karagatan dahil itinuturing nila bilang isang kritikal na imprastraktura ang Malampaya Gas Facility na mayruong malaking ambag sa ekonomiya.
Ang Malampaya Gas Field o ang Malampaya Camago Field ay isang deepwater gas-condensate reservoir na nasa hilagang kanlurang bahagi ng Palawan at pinagkukunan ng malaking suplay ng enerhiya.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)