Bumabiyahe na at inaasahang makakarating ng Pilipinas sa Mayo 23 ang kauna-unahang brand new missile capable frigate ng Philippine Navy.
Ayon kay Navy spokesperson Lieutenant Commander Maria Christina Roxas, sasailalim muna sa 14 day quarantine ang crew ng BRP Jose Rizal pagdaong sa Subic Anchorage Area sa Zambales bago ang technical inspection sa barko gayundin ang low key acceptance ceremony.
Ipinabatid ni Roxas na umalis sa shipyard ng Hyundai Heavy Industries (HHI) sa Ulsan, South Korea ang BRP Jose Rizal nuong Lunes matapos ang isinagawang sail off ceremony.
Nag donate naman ang HHI at Hanwa Systems ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) relief supplies sa Navy.
Samantala, ang brand new frigate ng Navy ay mayruong missiles, torpedoes, at iba pang weapon systems na malaking tulong sa pagpapatrulya ng navy sa teritoryo ng bansa.
Inaasahan namang ang ikalawang brand new frigate na papangalanang BRP Antonio Luna ay nakatakdang dumating sa buwan ng Disyembre —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).