Inabisuhan na ng Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP) ang mga tindahan at bangko na dapat tanggapin ang mga nakatuping pera, papel man ito o polymer.
Ito ang nilinaw ng BSP matapos lumabas ang ulat na isang mall umano ang hindi tumanggap ng ibinayad na 1,000 peso polymer bill dahil itinupi ito.
Ipinaalala ng BSP sa publiko na kahit nakatupi na ay maaari pa namang gamitin ang mga paper at polymer bills basta’t hindi gula-gulanit tulad ng pagkakaroon ng punit.
Magugunitang nag-viral sa social media ang post ng isang netizen na hindi umano tinanggap ng sm ang kanyang bagong 1,000 peso polymer banknote dahil nakatiklop na ito.
Naglabas naman ng pahayag ang SM at nilinaw na tatanggapin nila ang polymer bills basta hindi “mutilated” gaya ng pagkakaroon ng punit dahil sa pag-alis ng staple wire.
Noong isang linggo ay naglabas ng panuntunan ang BSP sa tamang pag-iingat sa bagong P1-K papel at kabilang dito ang paglalagay nito sa wallet na tama ang laki para ito magkasya at panatilihing malinis.