Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas kaugnay sa mga taong nagpapanggap na kanilang kawani para lamang manghingi ng pera sa gitna ng holiday season.
Ayon sa Central Bank, ang mga bogus employee ay gumagamit ng tunay at gawa-gawang pangalan ng mga tauhan, officers at organizational units ng BSP upang tumawag o magpadala ng mensahe sa kanilang biktima.
Sinabi pa ng BSP na gumagamit rin ang mga ito ng fraudulent mobile numbers at email address na kapareho ng ginagamit ng mga BSP.
Nilinaw ng BSP na hindi sila nagso-solicit ng pera o nanghihingi ng impormasyon o mga dokumento ng financial transactions ng sinumang pribadong indibidwal.
Hinimok naman ng central bank ang publiko na i-report ang mga kahina-hinalang nagpapanggap na empleyado ng BSP at mga transaksyon.