Tuloy ang operasyon ng mga bangko at iba pang mga financial institusyon sa kasagsagan ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila sa loob ng isang buwan.
Ito ang ginawang pagtitiyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko.
Ayon sa BSP, bilang bahagi ng global risk management standards, nakapagpatupad na anila ang mga bangko ng kanilang business continuity plans sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.
Layunin anila nitong matiyak na tuloy-tuloy ang aktibidad ng mga bangko tulad ng pagtanggap ng mga deposito, atm withdrawals, check clearing at iba pa.
Kaugnay nito, hinimok ng BSP ang mga pamunuan ng bangko na tiyaking nagpapatupad ng mga protocol laban sa COVID-19 ang kanilang personnels.
Iginiit pa ng BSP, isang public health crisis ang nararanasang COVID-19 outbreak at hindi anila financial crisis.