Lumagda sa isang MOA o Memorandum of Agreement ang Bureau of Corrections at PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency para pagtibayin ang pangtutulungan sa kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, nakapaloob sa MOA ang paglalagay ng kanilang sariling tanggapan sa mga koreksyunal o piitan na hawak ng BUCOR.
Layunin aniya nito ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at epektibong matugunan ang problema sa pagbebenta at mga aktibidad na may kinalaman sa iligal na droga sa loob ng mga piitan.
Nakasaad din sa MOA, na may kapangyarihan ang PDEA na magsagawa ng mga Greyhound Operations sa mga kulungang hawak ng BUCOR tulad ng New Bilibid Prison, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City; Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan at Sablayan Prison and penal farm sa Occidental Mindoro.
Magkakaroon din ng palitan ng mga impormasyon at joint investigation ang PDEA at BUCOR sa usapain kaugnay ng iligal na droga.