Malakas ang alingasngas ngayon sa Department of Justice(DOJ) na posibleng sibakin si Bureau of Corrections (Bucor) Chief Gerald Bantag matapos makipagpulong si Justice Secretary Crispin Remulla sa isang international criminology expert para sa pagpapatupad ng pagbabago sa correction system ng bansa.
Una rito, tinukoy ni Remulla na isa ang BuCOR sa problematic agency na nasa ilalim ng DOJ kung saan ilang aktibidad dito ay nakasisira aniya sa lipunan.
Ayon kay Remulla, dahil sa walang tigil na kontrobersiya loob ng BuCor ay nalalagay ang buong gobyerno sa masamang imahe.
Sa pamumuno ni Bantag ay ilang kontrobersiya ang kinasangkutan ng BuCOR kabilang dito ang misteryosong pagkamatay sa COVID ng 8 high profile inmates sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan sinampahan na ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ ang mga sangkot sa Bilibid deaths.
Maliban dito, sinasabing pumasok din sa isang maanomalyang Joint Venture Agreement(JVA) si Bantag sa pagitan ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation(ATOM) para sa paglipat ng prison facilities mula sa National Bilibid Prison(NBP) sa Muntinlupa City sa Nueva Ecija.
Natuklasan na Oktubre 2021 nang pumasok umano sa kasunduan sa ATOM si Bantag at nang malaman ito ni dating Justice Secretary Menardo Guevarra noong Disyembre 2021 ay agad na pinasuspinde ang JVA.
Kinastigo rin ng Muntinlupa City Council si Bantag matapos pumasok sa isang master development plan nang walang sinasabing abiso sa local government.
Kung matatandaan, hindi lamang ito ang kauna-unahan na nagdesisyong mag-isa si Bantag nang walang pagkonsulta sa DOJ at Muntinlupa city government dahil noong Marso 2021 ay biglaan din itong nagpatayo ng brick wall para saraduhan ang isang komunidad sa NBP habang June 2021 naman, ipinasara nito ang Magdaong Drive sa mga motorista at November 2021 naman nang maglagay ng concrete wall sa gitna ng dalawang village sa Barangay Poblacion, kabilang ang NHA-Southville-3.
Layon umano ng aksiyon ni Bantag na palakasin ang seguridad sa paligid ng NBP subalit nilinaw ni dating City Mayor Jaime Fresnedi na wala aniyang permit at koordinasyon ang ginawa ng opisyal na nakaapekto sa mga residente na hindi makalabas ng kanilang komunidad at nalabag din ang kanilang ‘right of way’.
Bunga ng pangyayari, nagkaroon ng congressional hearing at ideneklarang ‘persona non grata’ ng Muntinlupa si Bantag habang winasak din ang mga pader na ipinatayo nito.
Natuklasan pa na hindi rin kinonsulta noon ni Bantag si Guevarra nang payagan umano nitong ma-interview ng SMNI ang nakakulong na si Ret. Gen. Jovito Palparan.
Giit ni Undersecretary for Corrections Deo Marco, ikinagulat mismo ni Guevarra nang makita sa telebisyon ang television interview ni Palparan sa kasagsagan noon ng pandemya.
Paliwanag ni Marco, bagama’t hindi naman pinagbabawalan ang pag-interview sa inmates ay kailangan ito ng approval ng kalihim ngunit sa insidenteng iyon ay sinasabing si Bantag lang ang nagdesisyon at walang alam ang tanggapan ni Guevarra.