Itinanggi ng BuCor o Bureau of Corrections na inilagay nila sa blacklist ang Mang Kiko Catering Services Inc. na siyang naghahanda ng pagkain para sa mga preso ng New Bilibid Prisons o NBP.
Ayon kay BuCor Director Benjamin Delos Santos, suspendido lamang ang Mang Kiko kayat puwede itong umapela sa Department of Justice o DOJ.
Tuluyan aniya itong malalagay sa blacklist sakaling pagtibayin ng DOJ ang suspensyon laban dito.
Sinabi ni Delos Santos na sa ilalim ng panuntunan, hindi na maaaring lumahok sa bidding process ang Mang Kiko habang suspendido ito.
Pinuna rin ni Delos Santos na 11 taon na ring sinosolo ng Mang Kiko ang bidding para sa catering services para sa NBP.
Una rito ay inalmahan ng Mang Kiko ang pag-black list di umano sa kanila ng BuCor dahil sa di umano’y paglabag sa kanilang kontrata.
Ayon kay Atty. Alvin Navarro, Pangulo ng MKCSI o Mang Kiko Catering Services Inc., hindi nagustuhan ng BuCor ang pagpapalit nila ng menu.
Gayunman, ayon kay Navarro, kinailangan nilang palitan ng karne ng baboy ang karne ng baka na syang nakasaad sa kanilang kontrata batay sa naging review ng kanilang nutritionist at dietician.
Pinuna ni Navarro na nakaranas sila ng diskriminasyon at naakusahan pa ng food poisoning mula nang maupo bilang hepe ng BuCor si Director General Benjamin Delos Santos.
Ang Mang Kiko ang catering service para sa NBP sa nakalipas na labing isang (11) taon.
By Len Aguirre
BuCor: Hindi blacklisted ang ‘Mang Kiko’ sa NBP was last modified: June 30th, 2017 by DWIZ 882