Dapat i-prisinta ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga dokumento o larawan man lamang na magpapatunay sa pagkamatay ng maraming PDL’s o persons deprived of liberty.
Ayon kay Senador Richard Gordon, hindi naman maaaring basta na lamang paniwalaan ang pahayag ng BuCor na namatay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga PDL’s nang walang ipinapakitang mga ebidensya tulad ng mga dokumento ng isolation ng mga ito nang tamaan ng COVID-19.
Nakapag-tataka anya na wala man lang mailabas na ebidensya ang BuCor maliban sa death certificate at abo ng mga di umano’y nasawi sa coronavirus.
Aminado si Gordon na mahirap pagkatiwalaan ang salita lamang ng BuCor dahil alam ng lahat na madaling gumawa ng pera sa New Bilibid Prisons.
May personal rin anya syang kaalaman sa mga pribilehiyong ibinibigay sa mga preso na tulad na lamang ni JB Sebastian.
Sinabi ni Gordon na maliban kay Sebastian, karamihan sa mga napaulat na nasawi sa COVID-19 sa NBP ay mga Chinese Nationals na sentensyado sa illegal drugs case.