Itinanggi ni staff Sergeant Ramoncito Roque, Bureau of Corrections (BuCor) documents officer na tumatanggap siya ng bayad kapalit ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ito’y matapos akusahan si Roque ng testigong si Yolanda Camelon na kaniya umanong ka-negosasyon sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano’y “GCTA for sale”.
Kinumpirma ni Roque na pinakilala nga sakaniya ni Major Mabel Bansil isa pang opisyal sa BuCor si Camelon para pag-usapan kung maaaring mapaikli ang sentensya ng kaniyang asawa at handa itong magbayad ng P50,000.
Nagtungo umano ang dalawa sa kaniyang bahay at pinipilit siyang tanggapin ang paunang bayad na P10,000.
Ngunit ayon kay Roque, makalipas ng ilang araw ay isinauli rin niya ang nasabing halaga kay Camelon at sinabing wala siyang magagawa tungkol sa records ng kaniyang asawa dahil wala ito sa kaniyang kustodiya.