Sinisisi sa nakaambang budget cut ng gobyerno sa mga state colleges and universities ang kabiguang makapagpatayo ng mga karagdagang dormitoryo sa University of the Philippines (UP).
Inihayag ito ni JP Delas Nievas, Pangulo ng UP Diliman Student Council sa harap ng usapin ng kakulangan sa slots sa mga dormitoryo sa UP na siyang dahilan upang sa labas matulog ang ilang mga mag-aaral.
Sinabi ni Delas Nievas, matagal na nilang isinusulong ang pagtatayo ng mga karagdagang dormitoryo ngunit hindi maipatupad dahil sa nakaambang budget cut.
Bagama’t maaari namang tumuloy ang ilang mag-aaral sa bagong tayong Acacia Dormitory, sinabi ni Delas Nievas na hindi naman ito kaya ng ilan lalo na iyong galing sa lalawigan dahil sa masyadong mataas na upa na nagkakahalaga ng P3,000.
Kaya giit ni Delas Nievas, kung mayroon sanang sapat na budget ay hindi sana magiging mataas ang upa sa Acacia Dormitory dahil sasaluhin ito ng pamunuan ng UP sa ilalim ng subsidy at mababayaran ang ginastos sa pagpapatayo ng Acacia Dormitory upang makasunod sa atas ng Commission on Audit.
By Jaymark Dagala