Binigyan ng Senate Committee on finance ng otoridad ang Department of Education upang gamitin ang kanilang pondo sa 2023 sa mga proyekto para maprotektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral at school personnel.
Ayon kay Committee Chairman Senator Sonny Angara sa kanilang inendorso na 2023 budget ng DepED na nagkakahalaga ng P 710.6-B, pahihintulutan ang kagawaran na gamitin ang kanilang pondo para sa maintenance and other operating expenses sa mga anti-COVID-19 measures.
Gayundin sa pagpaayos ng bentilasyon ng mga silid aralan, laboratoryo at iba pang learning spaces, para sa pagpapagawa at rehabilitasyon ng mga water at sanitation facilities.
Papayagan din ang DepED na rentahan ang mga pasilidad na hindi ginagamit ng mga pribadong paaralan upang hindi magsiksikan ang mga estudyante sa public schools at walang magdaos ng klase sa construction sites o sa ilalim ng puno.
Samantala, sinabi ni angara na pinabigyan din nila ang DepED ng pondo para sa pagkuha ng mga registered guidance counselors at mental health program administrators matapos na naging isyu ang mental health ng mga mag-aaral sa 2 taong pandemya.