Mas makabubuting gamitin sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 at pamimigay ng ayuda ang budget ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Binigyang diin ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil kahit ipagpaliban ang barangay development projects sa taong ito at 2022 mayroon pa ring livelihood projects na maibibigay sa kanila ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture, DTI at DOLE.
Mas kailangan aniya ngayon ng ayuda dahil maraming mahihirap ang nawalan ng trabaho bukod sa pantulong din ang ayuda sa pagpapasigla ng ekonomiya dahil magkakaroon ang mga tao ng pambili ng pagkain at serbisyo bukod sa mas kailangan ang pambili ng bakuna kontra COVID-19.
Tinukoy ni Drilon na wala namang pondo at pangungutang pa ng gobyerno ang P70-B na itinakda nitong pambili ng COVID-19 vaccines.
Sa batas hinggil sa national budget nakasaad na uubrang ilipat ng Pangulo ang budget ng NTF-ELCAC sa pagbibigay ng ayuda at sa COVID-19 vaccination program.