Aminado ang ilang lokal na pamahalaan na malaking problema para sa kanila ang pondong kakailanganin pambili ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Sta. Cruz, Marinduque Mayor Tonton Uy, wala pa silang hawak na pondo at pinag-aaralan pa kung kakailanganing mangutang para dito.
Tinataya kasing P45 milyon ang kakailanganin para mabakunahan ang 30k residente sa kanilang lugar.
Sinabi naman ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Ina Alegre, hindi pa sila lubos na nakababangon mula sa pananalasa ng nagdaang bagyo noong nakaraang taon, kaya naman isa na naman itong pagsubok para sa kanila.
Kaya sa malamang umano ay sa national government na lamang sila aasa para magkaroon ng bakuna.
Hindi naman sapat ang pondo na hawak ng Paluan, Occidental Mindoro kung saan 25k bakuna ang kanilang kailangan.
Ayon kay Mayor Carl Pangilinan, bukod sa pondo, problema rin ang pag-byahe at pag-imbak ng bakuna sa kanilang isla.
Aminado rin si Lubang, Occidental Mindoro Mayor Michael Orayani na kukulangin ang kanilang pondo pambili ng bakuna.
Fourth-class municipality lang aniya kasi ang lubang na mayroong populasyon na 21k.
Una rito, tiniyak ng Malakaniyang na hindi pababayaan ng gobyerno ang mga LGU na walang kakayahang bumili ng sariling bakuna.