Aprubado na ng House Appropriations Committee ang budgetary provisions ng inamyendahang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Appropriations Chairman, Davao City Representative Isidro Ungab, isa sa mga ammendment ay tanging ang block grant ang ginawang automatic habang ang ibang pondo ay dapat pang i-appropriate ng kongreso sa annual national budget.
Bukod sa block grant, makatatanggap din ang itatatag na Bangsamoro Region ng isang special development fund, one-time transition fund sa taong 2016 at 100 porsyentong national Internal Revenue Tax collections.
Inihayag naman ni Budget Undersecretary Jane Abuel na para sa taong kasalukuyan ay tatanggap ang Bangsamoro ng P24.5 billion pesos; magsisimula naman ang block grant na P26.8 billion sa 2016 hanggang umabot sa P48.7 billion pesos sa taong 2020.
Simula 2016 hanggang 2020 ay kabuuang P186.6 billion pesos ang total block grant habang aabot sa P336.9 billion pesos ang matatanggap nitong government funds.
Gayunman, nilinaw ni Ungab na naka-depende ang magiging pondo sa revenues ng national government at maaari ring hindi ito sang-ayunan ng senado.
By Drew Nacino | Jill Resontoc (Patrol 7)