Nakumpirma na sa Commission on Appointment si Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Matapos na makalusot sa committee level, agad sumalang si Pangandaman sa plenary session para sa official confirmation.
Mismong si Senate President Juan Miguel Zubiri ang nagrekomenda ng plenary confirmation ng kalihim na sinegundahan naman ni Senator Loren Legarda.
Kabilang sa itinanong kay Pangandaman ang posisyon nito sa procurement service ng Department of Budget and Management makaraang maharap sa samu’t saring kontrobersiya sa pagbili ng mga kagamitan at supplies para sa ilang ahensya.
Tiniyak naman ng kalihim na mayroon na siyang inihandang listahan ng mga reporma sa P.S.-D.B.M. at kabilang dito ang pagtutok sa ‘common use supplies’ sa pagbili ng mga produkto upang matiyak ang maayos na inventory at online bidding process para sa transparency sa publiko.
Itinutulak din ni Pangandaman ang pagda-download ng budget ng mga government agencies sa P.S.-D.B.M. para sa mga proyektong hindi kayang tapusin o ipatupad upang maiwasan ang kontrobersyal na ‘parking’ ng pondo.
Bago maging D.B.M. Secretary, nagsilbi si Pangandaman bilang chief of staff ni dating Senate President Edgardo Angara, nagtrabaho kay Senator Loren Legarda, naging dating budget undersecretary at Bangko Sentral ng pilipinas assistant governor noong Duterte administration. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)