Ipinahayag ng Buklod Bayani Coalition (BBC) ang kanilang suporta sa mga pagsisikap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang ekonomiya sa ilalim ng kampanya ng administrasyon na Bagong Pilipinas.
Sa katunayan, ipinakita ng grupo ang kanilang suporta at tiwala sa administrasyon ni Pangulong Marcos sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Office of the Special Assistant for Investment and Economic Affairs (OSPAIEA) nitong January 24, 2024.
Binubuo ang BBC ng mga negosyante, civic leaders, at employers.
Ayon kay Jose D. Lina ng nasabing grupo, ginagawa ng pamahalaan sa pamumuno ni Pangulong Marcos ang lahat upang mas lumakas ang ekonomiya, makalikha ng mas maraming trabaho at livelihood opportunities, at makamit ang mithiin ng Bagong Pilipino.
Upang mas maraming investors ang mahikayat na mamuhunan sa bansa na siyang mas magpapalakas sa ekonomiya, nagkasundo ang koalisyon na tulungan ang ARTA sa pagsisikap nitong bawasan ang red tape.
Ayon kay Lina, tutulungan ng BBC ang ARTA sa pamamagitan ng pagtukoy sa bottlenecks o mga nagpapabagal sa pag-unlad ng bansa, partikular na dahil sa red tape at bureaucratic inefficiency. Aniya, kapag matugunan, mapuksa, at matuwid agad ang mga isyung ito, lalago ang mga negosyo at sa kalaunan, ang ekonomiya.
Plano rin ng grupong maglunsad ng isang nationwide network upang matulungan ang ARTA sa pagtiyak na magiging madali ang proseso ng pagnenegosyo sa bansa at mabilis at maayos na maihahatid ang mga serbisyo mula sa pamahalaan papunta sa publiko.
Para kay Lina, marami pa ang kailangang gawin sa bansa. Kaya panawagan niya sa publiko: “We, the citizens, have to share out time, talent and, treasure to help our government realize the set goals and dreams.”