Nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kanilang ipinalabas na pahayag, nilagdaan ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang resolusyon na nagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity noon pang Marso 19.
Kasunod anila ito ng deklarasyon ng state of public health emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte, pagsasailalim sa enhanced community quarantine ng buong Luzon, at state of calamity sa buong bansa.
Alinsunod rin ito sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magdeklara ng state of calamity sa kani-kanilang lokalidad.
Tiniyak naman ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan na kanilang mahigpit na imomonitor ang alokasyon at paggamit ng kanilang calamity funds.