Nagbuga muli ng makapal at mataas na abo ang bulkang Mayon kaninang alas-6:15 ng umaga.
Ito ayon sa PHIVOLCS ay bahagi pa rin nang tuluy-tuloy na aktibidad at pag-aalburuto ng bulkang mayon.
Sa nakalipas na magdamag ay halos ilang beses na nagpakita ng lava fountaining ang bulkan matapos ang malakas na “rumbling sound” o nakakagimbal na tunog dakong 10:26 ng gabi ng Miyerkules, Enero 24.
Una dito, limang (5) intense lava fountaining din ang naitala ng PHIVOLCS na sinasabayan pa ng pagyanig ng bulkan.
Umaabot naman sa taas na tatlo hanggang limang kilometro ang ash flume nito habang nasa 6.2 million cubic meters na ang nailuluwa nitong lava, abo, bato at iba pang materyal.
Samantala, sinabi naman ng PHIVOLCS na madami-dami pa ang laman ng bulkang Mayon sa kabila ng mga nailabas na nitong mga pyroclastic materials sa mga nakaraang araw.
‘Kabuhayan sa Cam Sur’
Apektado na ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Camarines Sur dahil sa ashfall mula sa nag-aalburutong bulkang Mayon.
Sa bayan ng Balatan, nabatid ang pagkamatay ng ilang manok nang ma-suffocate dahil sa makapal na abo mula sa naturang bulkan.
Bukod dito, nagrereklamo na rin ng pananakit ng tiyan ang mga kabataan sa Balatan matapos makalanghap ng abo bukod pa sa eye irritation.
–Krista de Dios