Muling naglabas ng lava ang bulkang Mayon, ilang araw matapos itong manahimik.
Dakong alas-4:00 kaninang madaling araw nang magsimula ang tinatawag na lava flowing sa bunganga ng bulkang Mayon.
Bago ito, dalawang beses na nagbuga ng abo ang Mayon dakong alas-8:16 at alas-10:45 kagabi na sinundan naman ng ash fall.
Dahil dito muling nabalot ng abo ang mga bayan ng Guinobatan at Camalig.
Gayunman, hindi matukoy ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang taas ng ibinugang ash column ng Mayon dahil sa dilim ng kalangitan at nababalot din ang bulkan ng ulap.
‘Lahar flow’
Samantala, tumigil na ang lahar flow sa bahagi ng Binaan Channel sa Budiao Daraga na dumaloy kasunod ng pag-uulan sa Albay nitong weekend.
Ayon sa PHIVOLCS wala nang banta ng pagdaloy ng lahar sa ngayon, maliban na lamang kung muling bubuhos ang malalakas na ulan.
Gayunman, nagdulot pa rin ang nasabing lahar flow ng perwisyo matapos na ma-washout ang bahagi ng daan patungong Legazpi City mula sa Daraga.
Samantala, sinabi naman ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management na maaari pa ring ituring na biyaya sa sektor ng agrikultura ang ulan dahil nahugasan nito ang abo na bumalot sa mga pananim.
—-