Tumaas ang inilalabas na sulfur dioxide ng Bulkang Taal sa nakalipas na magdamag batay sa pinakahuling datos ng Philipppine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa 8AM bulletin ng PHIVOLCS, naglabas ng 409 tonnes per day na sulfur dioxide ang Taal Volcano na mas mataas kumpara sa 224 tones per day kahapon.
Gayunman, sinabi ng PHIVOLCS na mababa na ito kumpara sa 5,299 tonnes per day na kanilang naitala, isang araw matapos ang unang pagaalburuto ang Bulkang Taal.
Kaugnay nito, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng anim na mahihinang pagyanig sa paligid ng bulkan na naglalaro sa 1.5 hanggang 2.3 magnitude.
Sa kabila ng mahinang aktibidad, muling iginiit ng PHIVOLCS na nananatili pa rin ang alert level 4 sa Bulkang Taal at ang mga panibagong aktibidad nito ay hudyat na mayroon nang deposito ng magma na maaaring magdulot ng mas mapanganib na pagsabog.