Nakaamba pa rin ang posibilidad ng malaki at mapaminsalang pagsabog ng Bulkang Taal.
Ito ang inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kasunod ng mga nakitang fissure o bitak sa lupa sa ilang mga bayan sa Batangas.
Ayon kay PHIVOLCS – volcano monitoring and eruption prediction Division Chief Mariton Bornas, ang mga nararamdamang malalakas na lindol at nangyayaring fissuring sa Batangas ay hudyat ng pagkakaroon ng malaking volume ng magma.
Posible aniyang ilabas ito ng Bulkang Taal sa pamamagitan ng isang malakas na eruption.
Sinabi pa ni Bornas, sa ngayon hindi pa gaanong naghihiwalay ang lupa na hindi aniya katulad ng naitala noong 1911 kung saan lumubog ang lupa matapos ang malakas na pagsabog.
Batay sa tala ng PHIVOLCS, nakitaan ng fissure o pagbibitak ng lupa ang mga Barangay Sinisian, Mahabang Dahilog, Dayapan, Palanas, Sangalang at Poblacion sa Lemery; Barangay Pansipit sa Agoncillo; Poblacion 1, 2, 3 at 5 sa Talisay; at Poblacion sa San Nicolas.