Nananatili pa ring nakataas ang alert level 4 sa Bulkang Taal.
Batay sa bulletin ng PHIVOLCS kaninang 8:00 ng umaga, nangangahulugan itong posible pa ring magkaroon ng mapanganib na pag-sabog ang Taal Volcano sa mga susunod na oras o araw.
Patuloy din anila ang paglalabas ng steam o singaw ng Taal gayundin ang pagkakaroon ng madadalang at mahihinang pagsabog sa nakalipas ng 24 oras.
Ayon sa PHIVOLCS, nagresulta ang mga mahihinang pagsabog na ito ng umaabot sa 50 hanggang 600 metrong taas ng kulay dirty white na ash plumes.
Nakapagtala ng kabuuang 876 na mga volcanic earthquakes sa Taal kung saan anim ang malalakas na pagyanig habang 20 ang mga low frequency o mahihinang lindol.
Sinabi ng PHIVOLCS, nangangahulugan itong patuloy din ang magmatic intrusion o paggalaw ng magma sa ilalim ng taal na posibleng magresulta pa sa mas malalakas na eruptive activity.