Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may taong nais magpapatay sa kanya.
Binanggit ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon City kagabi matapos na lagyan ng bulletproof na glass screen ang ginamit niyang podium sa pagtalumpati.
Ayon kay Pangulong Duterte, wala siyang magawa kundi sundin ang mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng Presidential Security Group (PSG).
Paliwanag pa ng Pangulo, nanibago siya sa estilo ng pagbibigay seguridad ng PSG dahil nasanay aniya siyang nakakalapit ang mga tao sa kanya.
“Alam mo, ah itong picture frame na ito, iyon ang hindi ko na kontrolado. Sumama man ang loob ko, magalit man ako, hindi ko mautusan ang security set-up ng PSG kasi sila talaga ang masunod.”
“Pero palagay ko pa naman ang buhay ay suwerte-suwerte lang. Kung panahon ko na talaga, wala na akong magawa. Tingnan ko lang kung gaano kakapal ito. Mukha hong hindi matablan ito ng bala, baka pintik siguro kaya.” Pahayag ng Pangulong Duterte
Problema sa iliga droga
Samantala, aminado si Pangulong Duterte na wala na siyang magagawa para makontrol ang operasyon ng iligal na droga sa bansa kahit ipinag-utos niya na ang pagpatay sa mga drug suspects.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Malabon City, sinabi ni Pangulong Duterte patunay na mas tumindi pa ang kalakalan ng iligal na droga sa bansa ay ang pagdami ng mga nasasabat na kontrabando ng mga awtoridad.
Binigyang diin pa ng Pangulo, problema na sa buong mundo ang iligal na droga tulad sa China at Taiwan.
Kasunod nito, sinabi ni Pangulong Duterte na muli siyang magpapalabas ng listahan ng mga opisyal ng pamahalaan at mga pulis na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
—-