Kalaboso ang isang Chinese national dahil sa tangka nitong pagpupuslit ng mga smartphone na nagkakahalaga ng 2.7 milyong piso.
Ito’y makaraang makita sa x-ray section ng Bureau of Customs o BOC sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport ang may 61 unit ng Iphone sa bagahe ng pasaherong si Wen Chongkai.
Ayon sa Customs, wala umanong maipakitang dokumento si Wen nang maharang sa x-ray inspection unit ang mga nasabing smartphone tulad ng importation permit gayundin ang sertipikasyon mula sa NTC o National Telecommunications Commission.
Dahil dito, inirekomenda ng pinuno ng x-ray inspection project unit ng Customs sa NAIA na si Major Jaybee Cometa ang paglalabas ng warrant of seizure and detention laban sa naarestong Tsino dahil sa paglabag nito sa Customs Modernization and Tariff Act at NTC Memorandum Circular.
By Jaymark Dagala | ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)