Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang aniya’y nagaganap na Agricultural Smuggling kasabay ang pagtukoy at papanagot sa mga importer at mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs na sangkot dito.
Kasunod na rin ito nang pag kuwestyon ni Marcos sa DA sa pagdagsa ng imported agricultural products at pabirong tinanong kung Department of Importation na sa halip na DA nasabing ahensya.
Sinabi ni Marcos na posibleng pananabotahe sa ekonomiya ang hindi napapanahon at sobra sobrang importasyon ng mga gulay mula China habang ang mga gulay ng mga lokal na magsasaka sa Benguet at iba pang taniman sa Cordillera ay patuloy na nabubulok.
Binigyang diin ni Marcos na ang pagbibigay proteksyon sa mga lokal na mga magsasaka ang solusyon sa pangmatagalang seguridad sa pagkain at hindi ang importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, kahit pa ito ay legal.
Sa harap ng kawalan ng mga bumibili at pagkabulok ng mga ani ng mga lokal na magsasaka dahil sa quarantine restrictions, nakumpiska ng boc ang nasa P4.7-M na halaga ng mga imported na repolyo, carrots, brocolli at iba pang gulay sa isang raid sa Divisoria at Tondo sa Maynila. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)